Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na kailangan ng bansang Hungary ang mga karagdagang Pinoy workers.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras"nitong Huwebes, sinabing mga factory at skilled workers ang kailangan ng Hungary na nasa Europa.
Aabot na umano sa 6,000 Pinoy ang nauna nang nakaalis para magtrabaho sa nasabing bansa.
“The Hungarian government for their part assured not just an expedited process for hired qualified Filipino workers but also adequate protection for our Filipino workers,” ayon kay DMW officer-in-charge Hans Cacdac.
Sinabi rin ni Cacdac na nag-uusap na ang South Korea at Pilipinas para palawakin ang employment permit system para sa mga OFW na nais magtrabaho sa Korea, at pagbuo ng bilateral labor agreement.
Sinabi ni South Korean Ambassador Lee Sang-hwa, na nais nilang kumuha ng mga Pinoy caregiver.
“We are interested in sending Filipino caregivers to Korea because you know Filipino caregivers have earned the high reputation, good reputation worldwide and that would be, in our view, a win-win partnership between our two countries,” ayon sa embahador ng South Korea.
Sinabi naman ni Cacdac na nais ng South Korea na magkaroon ng pilot-run sa pagkuha ng caregiver sa pamamagitan ng government hiring facility.
Tiniyak ni Cacdac na makatatanggap ng sapat na sahod, benepisyo, at proteksyon ang mga Pinoy na nais magtabaho sa dalawang bansa na nabanggit.
“Huwag papatol sa illegal recruiter, siguraduhing dumaan sa Department of Migrant Workers, and merong particular skills training certification requirement through TESDA accredited institutions,” payo ng opisyal.--FRJ, GMA Integrated News
