Hinirang na kabilang sa listahan ng “Best Instant Noodles 2025” ng New York Times ang isang brand ng pancit canton na mula sa Pilipinas.

Sa isang artikulo nitong nakaraang Enero 2025 na inilathala ng pahayagan sa kanilang Wirecutter section, na kabilang ang Lucky Me! Pancit Canton Kalamansi flavor sa mga natatangi sa citrusy ramen category. 

Sinundan ito ng sikat na Thai brand na Mama’s Shrimp Tom Yum Noodles.

“Of all the noodles we’ve tested, the Pancit Canton Kalamansi disappeared from the bowl the fastest,” ayon sa New York Times supervising editor na si Marilyn Ong.

Inilarawan din sa artikulo ang pancit canton brand na “bright and citrusy plus homey and comforting all at once.”

“The dry seasoning, soy sauce, and oil packets combine to produce a nuanced blend of light soy and fresh, aromatic citrus. The noodles are skinnier and more extra-curly than even your standard cheap ramen, so they had almost a fluffy feel,” dagdag nito.

Ayon kay Ong, ang listahan ay binuo sa pamamagitan ng pagtatanong sa isang panel ng mga eksperto na kinabibilangan ng mga may-akda ng cookbook, mga reviewer ng ramen, at mga may-ari ng ramen shop.

Tinikman din ng editorial team ng Wirecutter ang bawat noodle at pinili ang kanilang naging paborito.

Ang Wirecutter ay isang product recommendation service mula sa New York Times. Ang Lucky Me! naman ay isa sa mga brand ng Monde Nissin. — mula sa ulat ni Jade Veronique Yap/FRJ, GMA Integrated News