Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na "fake news" sa ngayon ang mga lumabas na impormasyon sa social media na may vote-buying umano na nangyari sa isang political rally sa Hong Kong para sa Eleksyon 2025.

"No confirmation po. Indeed it is a fake news," sabi ni Comelec chairperson George Erwin Garcia sa GMA News Online nitong Martes.

Nitong Lunes, inihayag ng Comelec na nakikipag-ugnayan sila sa Philippine Consulate General sa Hong Kong para beripikahin ang kumakalat na ulat sa social media na tumanggap ang mga overseas Filipino voters na dumalo sa naturang pagtitipon ng tig-HKD 200 (nasa P1,500).

Sinabi rin ni Garcia na walang reklamong natatanggap ang Comelec tungkol sa naturang alegasyon sa social media posts.

“Wala pong lumalapit sa amin o nagbibigay man lang ng isang salaysay na nagsasabi na sila ay na-offeran nang ganyang amount diyan sa Hong Kong and therefore, walang kredibilidad ang balitang 'yan,”  sabi ni Garcia sa hiwalay na panayam.

“Sa kasalukuyan, ang ating konsulada sa Hong Kong ay wala ring sinasabi tungkol diyan sa allegedly pamimili ng boto…fake news ‘yan sa ngayon,” dagdag niya.

Kapag lumabas na totoo ang impormasyon, sinabi ni Garcia na maaaring madiskuwalipika ang kandidato na sangkot sa pamimigay ng pera.

"Maaaring walang criminal case pero pupuwedeng magkaroon ng disqualification cases kahit pa na-commit outside the Philippines," paliwanag ng opisyal.— mula sa ulat ni Sundy Locus/FRJ, GMA Integrated News