Isang babaeng pasahero na palipad na sana ng Taiwan ngunit na-offload ang nagreklamo sa ginawang pagpigil sa kaniya na makaalis, at ang paraan ng pagtatanong ng immigration officer sa Ninoy Aquino International Airport. Depensa naman ng Bureau of Immigration, kahina-hinala ang travel pattern ang pasahero.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood ang video ni Brazil Sy na ipinakita ang kaniyang tuwa dahil palipad na sana siya para sa kaniyang three days, two nights na bakasyon sa Taiwan.
Ayon kay Sy, regalo ng kaniyang asawa ang ticket.
Ngunit ang plano niya sanang pag-unwind, pasakit umano ang idinulot matapos ma-offload.
“Pagdating po doon sa booth ng immigration po, wala na pong tanong-tanong sa akin. Pinasunod na po agad ako noong immigration officer sa office nila. Tapos po, naghintay po ako ng mga ilang minuto bago po nila tawagin 'yung pangalan ko. So, bale naghintay po ako, pagkatawag po sa akin, sumunod naman po agad ako din sa isang immigration officer,” sabi ni Sy.
Hanggang sa muling pinagtatanong si Sy na tila may ginawa siyang mali.
“Bigla po kong ginisa na, ‘Pang-ilang travel mo na ‘to?’ Sabi ko, ‘Pangalawa po.’ Bale, sabi niya po sa akin, ‘Bakit ka pupunta ng Taiwan?’ Sabi ko, ‘Mag-a-unwind lang po kasi po I have a depression din po this past month kasi po nakunan po ako. I had a miscarriage po before,’” pagsasalaysay ni Sy.
Hinala ni Sy, may kaugnayan ito sa naunang insidente ng pag-offload sa kaniya noong Oktubre 2024.
Papunta na si Sy sa Hong Kong noon kasama ang mga kaibigan nang i-offload din sila ng immigration.
Gayunman, nakaalis na silang magkakaibigan noong Nobyembre 2024 pa Hong Kong at dumiretso sa Jeju Island sa South Korea. Pagkauwi, nag-connecting flight ang magkakaibigan sa Taiwan.
Hindi nagustuhan ni Sy ang mga tanong na sa kaniyang pananaw ay hindi na kailangan.
“Tulad ng, ‘May anak ka ba?’ ‘Pahingi ng bank statement mo.’ May asawa ka ba?’ ‘Anong trabaho ng asawa mo?’ Noong sinabi ko po na nasa government po 'yung asawa ko, bigla po siyang nagtanong na, ‘Anong ranggo ng asawa mo?’” sabi ni Sy, na muling na-trauma sa muli niyang pagka-offload muli.
Ibang usapan pa ang ginastos sa flight at hotel accommodations na abot sa P30,000.
“Kahit na meron naman po akong ipinakita na proof na kaya ko pong gastusan 'yung sarili ko po sa travel ko po, na parang wala ba akong karapatang mag-multi-city ng travel?,” giit ni Sy.
Inihayag naman ng Bureau of Immigration na may kahina-hinalang travel pattern na nakita kay Brazil.
“May mga inconsistencies po sa statements niya at saka documents na ipinakita po. Nakitaan din po siya ng suspicious travel patterns doon po sa kaniyang mga biyahe na ipinresenta,” sabi ni BI spokesperson Dana Sandoval.
Gayunman, hindi maidetalye ng BI ang kasuspe-suspetsang travel pattern ni Sy dahil pribado umano ito, ngunit karaniwan itong nakikita sa itinerary ng isang turista.
“‘Yung itinerary po siguro ng isang individual. It's part of the things that we are looking into. As well as kung nakikita po itong pattern na ito in previous cases of human trafficking. If this travel pattern keeps on repeating, halimbawa nakita sa isang individual ngayon at ito po 'yung paulit-ulit na nakikita sa mga previous cases ng human trafficking victims, it becomes a red flag for the immigration officer who is assessing the traveler na nasa harap niya,” sabi ni Sandoval.
Wala ring kinalaman ang dating record na pagka-offload ni Brazil, kaya ito muling nangyari, ayon sa opisyal.
Tungkol naman sa ibang mga tanong na tingin ni Brazil ay hindi kailangan, magsasagawa ang BI ng imbestigasyon.
“Hearing that po, 'yung mga posisyon or ranggo ng partner would not siguro be part of the regular questions of an immigration officer because it does not say anything about the travel,” sabi ni Sandoval.
Sa tanong kung maibabalik ang ginastos ni Brazil sa flight at hotel dahil sa pagkaka-offload niya, sabi ni Sandoval, “Kung makita po natin na meron pong lapses doon sa immigration officer, sa action po ng immigration officer, it is well within the right po of the subject na mag-request po kung ano po 'yung nakikita niya na kinakailangang action against the officer or against po or doon po sa kaniyang kaso.”
Maaari ding magreklamo si Brazil sa Bureau of Immigration kung walang dahilan sa tingin niya para ma-offload siya.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News