Iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na wala silang natanggap na impormasyon na may Pinoy na nasawi o nasaktan sa labanan ng India at Pakistan. Gayunman, pinag-iingat pa rin ng kagawaran ang mga Pinoy na nasa dalawang bansa na maging maingat at alerto.

Sa isang pahayag nitong Miyerkoles, sinabi ng DFA na masusi nilang sinusubaybayan ang mga pangyayari at sitwasyon sa dalawang bansa.

“We call for a peaceful resolution to the current issues,” ayon sa DFA. “Our Embassy in Islamabad has confirmed that there are no reports of Filipino casualties in the incident.”

Pinayuhan ng DFA ang Filipino community sa mga apektadong lugar na patuloy na mag-ingat at mapagmatyag kaugnay sa labanan ng dalawang bansa.

Una rito, inihayag ng India na inatake nila ang Pakistan at Pakistani Kashmir, habang sinabi ng Pakistan na limang Indian fighter jets ang kanilang napabagsak.

Ayon sa India, tinarget nila ang siyam na Pakistani "terrorist infrastructure" sites, na ilan sa kanila ay may kaugnayan sa Islamist militants na umatake sa Hindu tourists na ikinasawi ng 26 tao sa Indian Kashmir noong nakaraang buwan.

Inihayag ng Islamabad, anim na lokasyon sa Pakistan ang pinuntirya ng India, at wala sa mga ito ang anomang kampo ng militar.

Tinatayang mayroong 3,151 Pilipino sa Pakistan, at 3,350 naman ang nasa India, base sa DFA data.-- FRJ, GMA Integrated News