Nagbabala ang Philippine Consulate General sa Dubai, sa mga Pilipino na nasa Dubai at Northern Emirates, laban sa bago umanong modus sa illegal recruitment na target ang mga low-skilled Filipino worker para alukin ng trabaho.
Sa isang pahayag ng konsulado na makikita rin sa Facebook page ng Department of Migrant Workers, ibinabala na inaalok ng trabaho ang mga low-skilled na Pinoy workers para ipadala sa mga bansa na may umiiral na deployment ban, kabilang na ang Pakistan.
Karaniwan umanong ginagamit sa modus ang pag-aalok ng trabaho sa ibang bansa gamit ang tourist visa, na ipinaalala ng konsulado na labag sa batas.
Pinapayuhan ng konsulado ang publiko na mag-ingat at umiwas makipag-ugnayan sa sinumang indibidwal o grupo, personal man o online, na nag-aalok ng trabaho sa mga bansang may umiiral na deployment ban.
Upang matiyak na lehitimo ang isang recruitment agency, hinihikayat ang publiko na tingnan ito sa listahan ng mga lisensyadong recruitment agencies sa opisyal na website ng Department of Migrant Workers (DMW): https://dmw.gov.ph/licensed-recruitment-agencies.
Hinihikayat din ng konsulado ang publiko na maging mapagmatyag at isumbong sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang recruitment schemes. -- FRJ, GMA Integrated News