Masusing sinusubaybayan ng Philippine Consulate General sa Los Angeles ang malawakang operasyon na isinasagawa ng mga ahensiya ng US sa pangunguna ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) laban sa mga itinuturing undesirable at illegal immigrants sa iba't ibang bahagi ng California.
Ayon kay Consul General Adelio Angelito Cruz, bineberipika ng konsulado ang ulat na may isang Pinoy na kabilang sa ilang dosenang inaresto sa isinagawang pagsalakay ng mga awtoridad.
Sa paunang ulat mula sa US federal immigration authorities, na isang 55-anyos na Pinoy national mula sa Ontario, California, ang kabilang sa nasa kostudiya nila.
Mayroon umanong nakabinbin na notice to appear sa immigration court ang naturang Pinoy. Dati na rin umanong nahatulan ang Pinoy na makulong ng apat na taon sa kasong pagnanakaw. May sintensiya rin umano ang Pinoy na 37-taon na kulong para naman sa kasong sexual penetration with a foreign object by force at assault with intent to commit rape na nangyari sa Pomona.
Sinimulan ang ICE operation noong Biyernes, na naging dahilan ng mga protesta sa Los Angeles area.
Inakusahan ng mga advocacy group at immigration rights supporters na labis at mapang-abuso ang isinasagawang operasyon.
Dahil sa mga protesta, iniutos ni US President Donald Trump ang pagpapadala ng mahigit 2,000 National Guard para suportahan ang mga federal agent sa iba't ibang lugar sa California, partikular sa Los Angeles.
Nangako ang Philippine Consulate ng kahandaan na tulungan ang mga Pinoy na maaapektuhan ng isinagawang operasyon ng ICE.-- mula sa ulat ni Dave Llavanes Jr./FRJ, GMA Integrated News
