Pinayuhan ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez ang mga Pinoy sa Amerika na maging alisto kasunod ng ginawang pag-atake ng US forces sa tatlong nuclear sites sa Iran. Inilarawan ng opisyal ang pangyayari na “very serious.” 

Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Lunes, sinabi ni Romualdez na inalerto ng US authorities ang kanilang mga kababayan matapos ihayag ni President Donald Trump nitong weekend na binomba ng US forces ang tatlong main nuclear sites ng Iran sa harap ng umiinit na sitwasyon sa Middle East.

Inilarawan ni Romualdez na “very serious” ang ginawang hakbang US dahil ito ang unang pagkakataon na ginamit ng US forces ang kanilang “special bomb” laban sa ibang bansa. 

“As always, we tell our kababayans to be on alert. We ask them to follow whatever the local officials whatever alert, notice that they give out to their communities to be on the lookout for just in case there’s any situation that may arise out of this situation in the Middle East right now,” anang embahador. 

Nang tanungin kung pinayuhan ang mga Pinoy sa US na iwasan ang matatanong lugar gaya ng subways, sinabi ni  Romualdez na kailangan nilang mag-ingat.

“Siyempre whenever we have something like this, especially this very particular case dahil very serious itong nangyaring ginawa ng US in Iran, they have to be on alert for any eventuality,” paliwanag niya.

Nanawagan ang Pilipinas na huwag nang palalain pa ang sigalot, at iminungkahi na idaan sa diplomasya ang lahat makaraang ang ginawang pag-atake ng US sa nuclear sites ng Iran.

Inihayag din ng Department of Foreign Affairs (DFA) na lubos itong nababahala sa sitwasyon dahil maraming manggagawang Pilipino ang nasa Middle East.

Una rito, inihayag ni Trump na naging matagumpay ang ginawang operasyon ng US forces sa pagbomba sa key nuclear facilities ng Iran sa Natanz, Isfahan at Fordow. Kasunod nito, nangako naman ang Iran na gaganti.

Bago ang pag-eksena ng US, nauna nang nagpapalitan ng bomba ang Israel at Iran.— mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News