May mga nakatakas, at may mga pinangangambahang napahamak na mga tripolanteng Pinoy sa ginawang pag-atake ng Houthi rebels sa dalawang barko sa Red Sea na malapit sa Hodiedah, Yemen.

Sa isang pahayag ng Department of Migrant Workers (DMW) ngayong Martes, inihayag na 17 Filipino seafarers at dalawang iba pang crew members ng isang bulk carrier ang nakatakas sa pag-atake ng umano’y Houthi rebels sa kanilang barko na MV Magic Seas noong Sabado, July 6, 2025.

“The ship's security team, composed of four armed personnel, was able to repel the attack by returning fire. This led to the escape of the ship's crew, who were later rescued by the passing container ship Safeen Prism,” ayon sa DMW.

Ligtas umano ang mga Pinoy seafarer at dalawa pang crew members na nananatili sa isang hotel sa Djibouti sa East Africa.

"The Department remains in close coordination with relevant government agencies and with the LMA (licensed manning agency) to facilitate the safe and swift repatriation of the affected Filipino seafarers," ayon kay DMW Secretary Hans Cacdac

“We will continue to closely monitor the situation and keep the President (Ferdinand Marcos Jr) informed of any significant developments as they arise," dagdag niya.

Kasabay nito, kinukumpirma rin ng DMW ang ulat na isa pang barko na may mga Pinoy crew ang inatake ng mga rebelde sa Yemen.

Ayon sa ulat ng Reuters, 21 Pinoy at isang Russian ang crew sa Greek-operated bulk carrier na Eternity C. May dalawang crew umano ang sugatan, at may dalawang nawawala.

Sa press briefing, sinabi ni Cacdac na nakikipag-ugnayan sila sa manning agency ng mga Pinoy seafarer.

“The shipowner is having difficulty communicating with them,” ani Cacdac.

Nakikipag-ugnayan din umano ang DMW sa pamilya ng mga Pinoy seafarer, at nakikipag-ugnayan sa international organizations gaya ng International Transport Workers' Federation at Seafarers International Union.

Muling nanawagan si Cacdac sa mga may-ari ng mga barko na laging unahin ang kaligtasan ng mga tripolante.

“Please divert your voyages. It is not enough that you’re taking the necessary precautions. The best way to spare our seafarers is to avoid the Red Sea and the Gulf of Aden,” anang kalihim.

Nagbabala ang kalihim sa mga ship owner at manning agencies na maaari silang parusahan kung mabibigo silang mag-report ng passage schedule ng barko at impormasyon tungkol sa mga sakay na Pinoy na dadaan sa Red Sea at Gulf of Aden.

Ang mga Filipino seafarer na mangangailangan ng tulong ay maaari umanong tumawag sa DMW hotline at 1348. — FRJ, GMA Integrated News