Nasawi ang isang turistang Pinoy sa Hong Kong matapos siyang masalpok ng isang taxi nitong Martes, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Batay sa ulat na galing sa Philippine Consulate General, sinabi ng DFA na nasawi ang 35-anyos dahil sa pinsalang tinamo sa aksidente sa Tsuen Wan West noong August 5.

Nasa Kwai Chung Public Mortuary ang labi ng Pinoy, habang nasa kustodiya ng pulisya ang 80-anyos na taxi driver.

"The Consulate General offers its deepest condolences to the deceased’s family and prays for his eternal rest," ayon sa DFA.

Ayon sa South China Morning Post, sinabi umano ng driver sa pulisya na nahilo siya bago nasalpok ang biktima sa labas ng isang hotel.

Ayon kay DFA spokesperson Angelica Escalona, tinutulungan ngayon ng konsulado ang pamilya ng biktima, at inaasahan na darating sila sa Hong Kong para ayusin na maiuwi sa Pilipinas ang labi ng kanilang mahal sa buhay.

"The consulate general is closely coordinating with the Hong Kong Police Force while the official investigation of the case is ongoing," ani Escalona. — mula sa ulat nina Michaela Del Callar/Jiselle Casucian/FRJ GMA Integrated News