Isang babaeng overseas Filipino worker (OFW) na galing sa Kuwait ang pumanaw habang pauwi sa Dumaguete, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Sa pahayag ng OWWA nitong Miyerkoles, sinabing sakay ng bus ang OFW na si Wilma Auza nang masawi dahil sa cardiac arrest noong Lunes.

Ayon kay OWWA Administrator Patricia Yvonne "PY" Caunan, kumukuha pa sila ng karagdagang impormasyon dahil may iba pa umanong dinaanan si Auza bago umuwi sa Dumaguete.

"We are finding out po kasi ‘di naman po siya repatriated worker. Siya po ay umuwi because of end of contract. We are on the ground. We are going to release an update soon po," dagdag niya.

Nakikipag-ugnayan na rin umano ang OWWA sa pamilya ng OFW para magbigay ng tulong.

“Si Ginang Wilma ay hindi lamang isang OFW, kundi isang ina, asawa, at kaibigan na matatag na nagsakripisyo para sa kinabukasan ng kanyang pamilya. Ang kanyang dedikasyon at pagmamahal ay patunay ng tibay at kabayanihan ng ating mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa,” saad sa pahayag.

“Sa ganitong panahon ng pagluluksa, kami ay kaisa ng pamilya ni Ginang Wilma sa pag-alala sa kanyang buhay at mga naiambag na sakripisyo para sa kanyang mga mahal sa buhay,” dagdag nito.—mula sa ulat ni Jiselle Anne C. Casucian/FRJ GMA Integrated News