Nahaharap sa kasong kriminal ang isang babaeng turistang banyaga sa Turkey dahil umano sa paglapastangan sa “the nation's moral values" ng bansa nang mag-pole dance siya sa flagpole sa isang tanyag na destinasyon ng mga turista na Cappadocia.

Ayon sa ulat ng Agence France-Presse, binuksan ng prosekusyon ang imbestigasyon matapos lumabas sa social media ang video ng isang “young woman” na nakasuot ng asul na leggings at puting T-shirt habang gumagawa ng iba’t ibang mapangahas na galaw sa flagpole sa Uchisar.

Ngunit ang 12-segundong pagtatanghal ng babae, ikinagalit ng mga awtoridad.

Nagsampa ng reklamong kriminal ang tanggapan ng gobernador ng lalawigan ng Nevsehir laban sa hindi pinangalanang babae, na hindi rin tinukoy ang kanyang nasyonalidad o edad. Dahil dito, naglunsad ng imbestigasyon ang punong tagausig ng lugar.

."Regarding the inappropriate behavior of a foreign national at a Turkish flagpole in our city... a criminal complaint was filed and a legal investigation opened by Nevsehir's chief public prosecutor's office under articles 300 and 301 of the Turkish penal code," ayon sa pahayag ng gobernador.

"The governor's office is closely monitoring this heinous incident, which we see as showing disrespect for our nation's moral values," dagdag nito.

Sa ilalim ng Article 300, labag sa batas ang hayagang pagpapakita ng kawalang-galang sa watawat ng Turkey, at maaaring humantong sa pagkakakulong ng hanggang tatlong taon.

Tumutukoy naman ang Article 301 sa krimen ng pag-insulto sa pagka-Turkish, sa bansa, gobyerno, o mga pambansang bayani, na may parusang pagkakakulong ng hanggang dalawang taon. — mula sa ulat ng Agence France-Presse/FRJ GMA Integrated News