Sinabi ng US State Department na maaaring isailalim sa tuloy-tuloy na pagsusuri ang lahat ng 55 milyong may hawak ng US visa sa harap ng kampanya ni President Donald Trump laban sa mga ‘di karapat-dapat na visa holder at illegal immigrants.
"The Department's continuous vetting includes all of the more than 55 million foreigners who currently hold valid US visas," ayon sa isang State Department official, na tumangging pabanggit ng pangalan.
"The State Department revokes visas any time there are indications of a potential ineligibility, which includes things like any indicators of overstays, criminal activity, threats to public safety, engaging in any form of terrorist activity or providing support to a terrorist organization," dagdag nito.
Hindi sinabi ng opisyal kung sinusuri ang lahat ng 55 milyong visa, pero sinabi nito na itinuturing ng administrasyong Trump na “fair game” kung rerepasuhin lahat.
Ayon sa opisyal, pinaiigting ng administrasyong Trump ang pagsusuri, lalo na sa mga estudyante o nag-aaral sa Amerika.
"We're reviewing all student visas," saad ng opisyal na sinabing kasama sa sinusuri ng State Department ang pahayag ng mga tao sa kanilang social media account, na kailangan na ring ipakita ng visa applicants.
Una rito, ipinagmalaki ni Secretary of State Marco Rubio ang pagtutok sa mga nagpoprotesta laban sa Israel, na gamit ang isang hindi kilalang batas, ay nagbibigay umano sa kaniya ng kapangyarihang kanselahin ang mga bisa ng mga taong itinuturing salungat sa foreign policy interests ng Amerika.
Ayon sa State Department, nasa 6,000 visas na ang kinansela mula nang manungkulan si Rubio noong Enero.
Apat na beses itong mas marami kumpara sa mga student visa na binawi ng administrasyong ni dating US Pres. Joe Biden sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, ayon sa State Department.
Iginiit ni Rubio na may karapatan ang administrasyon na magbigay at bumawi ng visa kahit na walang pagdinig ng korte. Wala rin umanong karapatang pantao gaya ng kalayaan sa pamamahayag ang mga hindi talaga mamamayan ng US sa ilalim ng Saligang Batas ng Amerika.
Ngunit nakaranas ng mga pagkatalo ang administrasyon sa dalawang highest-profile cases patungkol sa naturang usapin.
Si Mahmoud Khalil, isang legal at permanenteng residente ng Amerika na namuno sa mga protesta pabor sa Palestino sa Columbia University, ang dinakip pero pinalaya ng isang korte noong Hunyo.
Habang si Rumeysa Ozturk, na isang Turkish graduate student sa Tufts University na nagsulat ng artikulo sa pahayagan ng paaralan na pumupuna sa Israel, ay pinalaya rin ng isang hukom noong Mayo habang dinidinig ang kaso. — mula sa ulat ng Agence France-Presse/FRJ GMA Integrated News
