Pinayuhan ng Embahada ng Pilipinas sa Qatar ang mga Pilipino doon na manatiling kalmado at mapagmatyag matapos ang pag-atake ng Israel sa mga opisyal ng Hamas sa Doha.
"In view of recent developments in Doha, the Embassy of the Republic of the Philippines in the State of Qatar urges all Filipino nationals to remain calm, monitor news from credible sources, and heed the advice of local authorities," saad sa anunsiyo ng embahada.
"Stay indoors and avoid public spaces unless absolutely necessary," dagdag nito.
Ayon sa ulat ng Reuters, inatake ng Israel ang mga lider ng Hamas sa Qatar noong Martes, sa pinalawak nitong operasyong militar sa buong Gitnang Silangan, kabilang na ang Gulf Arab state kung saan may matagal nang political base ang grupong Palestino.
Kinondena naman ng Qatar, na nagsilbing tagapamagitan kasama ang Egypt sa mga negosasyon para sa tigil-putukan sa halos dalawang taong digmaan sa Gaza, at tinawag na “cowardly" act at hayagang paglabag sa international law ang ginawang pag-atake.
Ayon sa dalawang source ng Hamas na nakausap ng Reuters, nakaligtas ang mga opisyal ng grupo na kabilang sa ceasefire negotiating team.
Sinabi ng mga opisyal ng Israel sa Reuters na ang target ng opensiba ay ang mga mataas na lider ng Hamas, kabilang si Khalil al-Hayya, ang exiled Gaza chief at pangunahing negosyador ng grupo.— FRJ GMA Integrated News
