Inihayag ng Consulate General ng Pilipinas sa Hong Kong na isang Pilipino ang sugatan at isa ang nawawala sa naganap na sunog sa Tai Po fires district na umabot na sa 128 katao ang nasawi.
Sa inilabas na pahayag nitong Biyernes, inihayag din ng konsulado na 58 Pinoy naman ang kumpirmadong nakaligtas sa trahediya. Inaalam naman ang kalagayan at kinaroroonan ng nasa 91 Pinoy.
“Some of these workers may have changed employers, moved to a different area or even returned to the Philippines prior to the fire disaster,” saad sa pahayag.
Nauna nang inihayag na nasa 70 hanggang 80 OFWs umano ang may rehistradong address sa naturang housing complex.
Patuloy din umano ang isinasagawa nilang on-the-ground operations para mahanap at matulungan ang mga apektadong Pinoy.
"Ang ating Migrant Workers Office at OWWA ay aktibo sa pagpaparating ng tulong sa ating mga kababayan," pahayag ni Romulo Victor Israel, Junior Philippine Consul-General sa Hong Kong, sa hiwalay na panayam ng Super Radyo dzBB nitong Biyernes.
"Sa mga kamag-anak sa Pilipinas na na-identify na natin, mayroon silang financial assistance na matatanggap at ngayon nagkakaroon kami ng donation drive," dagdag pa niya.
Sa naturang panayam, sinabi ni Israel patuloy ang paghahanap sa nawawalang Filipino worker.
"May isa na hinahanap at ito nga ni-report ng kaniyang employer, kasama ang kaniyang anak na 5-year-old daughter. Hanggang ngayon, hindi pa makita ang ating kababayan," anang opisyal.
Sinabi rin ni Israel na “stable” na ang kalagayan ng OFW na nasa ospital.
Pinag-aaralan din ng pamahalaan ang tulong na ibibigay sa mga OFW na maapektuhan ng sunog ang kanilang trabaho.
"Pinag-uusapan na namin ang scenario 'pag nawalan na sila ng trabaho... We will discuss it further with the HK neighbor kung paano natin sila matutulungan in case they want to continue working," anang opisyal.
Batay sa mga lumabas na ulat, umabot na sa 128 katao ang nasawi sa pagkasunog ng pitong apartment building na may tig-32 palapag ang taas. Mayroon pang 200 katao ang nawawala.
May mahigit 4,600 residente sa residential complex na sumasailalim sa renovation ang mga gusali na binalutan ng net at mga kawayang scaffolding nang mangyari ang sunog noong Miyerkules.—FRJ GMA Integrated News
