Nakatakda sanang umuwi ngayong Pasko para makapiling ang kaniyang pamilya si Maryan Pascual Esteban, ang overseas Filipino worker na kabilang sa mga nasawi sa sunog sa pitong high-rise residential complex sa Hong Kong.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nakatakda sanang umuwi si Esteban, 40-anyos, sa December 16, upang makasama ang 10-taong-gulang na anak na nasa Rizal.
Umaasa ang pamilya ni Esteban sa Jones, Isabela, na maiuuwi kaagad ang mga labi niya.
“Masaya sana ang Pasko namin kaso ganyan naman ang nangyari,” ayon kay Manayon Esteban Medina, in ani Esteban.
Ipagdiriwang din sana nila ang kaarawan ng ama ni Esteban na si Jaime pero hindi sila makapagsaya dahil sa nangyari.
“Sana mapabilis ang pag-uwi ng mga labi at ask ko mga three weeks sana,” hiling ni Jaime.
Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga tulong na ipagkakaloob sa pamilya ni Pascual, at pag-asikaso para maiuwi kaagad ang kaniyang mga labi.
Binisita rin nina DMW Secretary Hans Leo Cacdac at OWWA administrator Patricia Yvonne Caunan ang pamilya ni Pascual para personal na makiramay sa anak ng OFW na nasa Cainta, Rizal.
Makatatanggap ng educational assistance ang bata upang makatapos ito ng kolehiyo na pangarap umano para sa kaniya ng namayapang ina.
Apat na taon nang OFW si Pascual sa Hong Kong, at kabilang sa 151 katao na nasawi sa naturang sunog sa pitong magkakatabing high-rise residential complex noong nakaraang linggo.— FRJ GMA Integrated News
