Inihayag ng Philippine Consulate General sa Hong Kong na ligtas na ang lahat ng 92 na Pilipino na naunang hinanap kasunod ng naganap na sunog sa Wang Fuk Court residential complex doon. May magandang balita rin ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kaugnay sa kalagayan ng bayaning overseas Filipino worker na si Rhodora Alcaraz.

Sa pahayag ng konsulado nitong Martes, matunton na ang huling dalawang Pilipino na hinahanap na may naitalang nagtatrabaho at may address sa nasunog na apartment complex noong nakaraang linggo sa Tai Po District, Hong Kong.

“The last two OFWs listed for verification have been found to be already in the Philippines when the fire broke out. All Filipinos who likely worked at the Wang Fuk Court residential complex are all accounted for,” ayon sa konsulado.

Umabot sa 152 tao ang nasawi sa sunog, kabilang ang OFW na si Maryan Pascual Esteban, na uuwi pa naman sana sa Pilipinas ngayong Pasko.

Nananatali namang nagpapagaling sa ospital ang itinuturing bayaning OFW na si Rhodora Alcaraz, na matinding nasugatan pero nagawang iligtas ang alaga niyang sanggol mula sa nasusunog na gusali na tinutuluyan nila.

Sa hiwalay na pahayag ng OWWA, sinabing personal na binisita nina Department of Migrant Workers Secretary Hans Cacdac at OWWA Administrator PY Caunan, sa ospital si Alcaraz.

Tiniyak ng mga opisyal kay Alcaraz na tutulungan siya ng pamahalaan sa kaniyang pagpapagaling, maging ang suporta sa kaniyang anak at kapatid na nag-aaral sa Pilipinas.

“Sa gitna ng patuloy na gamutan, unti-unti nang nakikitaan si Rhodora ng pagbuti ng kondisyon,” ayon sa pahayag ng OWWA.—FRJ GMA Integrated News