Patay na nang matagpuan sa irrigation canal sa Barangay Malasin sa San Jose, Nueva Ecija, ang isang 21-anyos na babae. Ang suspek, ang kaniyang pinsan na 27-anyos, at dati umanong karelasyon ng biktima.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, nakita sa kuha ng CCTV camera na nakaangkas ang biktima sa motorsiklo na minamaneho ng suspek nooong madaling araw ng May 20, 2026.

Pagsapit ng 2:00 am, nakita na magkasama pa rin ang dalawa sa bahagi ng Barangay Malasin. Pero pagkaraan ng anim na minuto, dumaan ang motorsiklo pero wala na ang biktima.

Ang suspek, nakita naman na dumaan sa kaniyang bahay, at bumalik sa inuman kasama ang kaanak.

Kinabukasan dakong 7:00 am, nakita ng mga dumaan sa irrigation canal ang bangkay ng babae, na kinilala ng kaniyang mga kaanak.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na magpinsan at dati umanong magkarelasyon ang biktima at ang suspek.

Bago mangyari ang krimen, nag-iinuman ang suspek at biktima, kasama ang isa nilang kaanak, at ang kasalukuyang nobyo ng biktima.

Umalis umano sa inuman ang suspek at biktima nang magkayayaan umano na bumili ng pagkain. Hanggang sa nangyari na ang krimen kung saan pinalo umano ng lalaki ng bato sa ulo ang kaniyang pinsan na babae.

Inaresto kalaunan ang suspek na umamin umano na selos ang dahilan kaya niya napatay ang biktima. – FRJ GMA News