Isang sanggol na babae na dalawa ang ulo ang isinilang pero pumanaw din pagkaraan ng ilang minuto sa Basilan. Ang ilang espesyalista, may paliwanag kung bakit nangyayari ang conjoined twins, o kambal na magkadikit.

Sa ulat ni Steve Dailisan sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nagulat ang mga tauhan ng Basilan General Hospital nang isilang doon ng isang 38-anyos na ginang ang kaniyang sanggol na isang lalaki, at isang babae, na may dalawang ulo.

Normal at buhay na isinilang ang baby boy, pero pumanaw naman ang baby girl na may dalawa ang ulo.

Sa laki ng mga sanggol, kinailangang i-caesarian ang kanilang ina.

Patuloy na inoobserbahan sa ospital ang ina at ang baby boy.

Paliwanag ng obstetrician na si Dr. Rodel Agbulos sa naturang sitwasyon ng magkadikit na mga kambal, "Sa development, there's something that went wrong."

Sabi naman ni Dra. Joanne Roque-Teodoro, pediatrician, may dalawang teorya kaya nagkakadikit ang mga kambal.

"Puwede yung fertilized egg hindi siya completely nag-separate, or puwedeng nag-separate sila pero there comes a time na nag-joined uli sila," anang duktora.

Ayon pa sa ulat, batay sa datos ng mga isinisilang na conjoined twins, 40 porsiyento sa kanila ang namamatay na kapag iniluwal ng ina, at 30 porsiyento ng mga isinilang na buhay ay pumapanaw din makalipas ang ilang araw.

Ang pag-asa nilang mabuhay ay nakasalalay umano kung kumpleto ang kanilang vital organs.

Kaya naman payo ng mga duktor, mahalaga ang prenatal check-up para sa mga buntis. Kailangan din ng ibayong pag-iingat mula pagbubuntis hanggang sa araw ng pagka- panganak.

Ayon kay Dra. Roque-teodoro, dapat na bihasang mga duktor ang mga humahawak sa ganitong sitwasyon ng sanggol dahil maselan ang kanilang kalagayan. -- FRJ, GMA News