Dahil sa pagiging alerto, nadiskubre ng isang guro sa Burgos, Pangasinan ang dalang baril ng kaniyang estudyante sa loob ng kanilang silid-aralan habang nagpapagawa siya ng pagsusulit.
Sa ulat ni Alfie Tulagan sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabi ng guro na si Evelyn Cabalbal ng Jose Rivera Bonsay National High School, na napansin niyang may ginagawang kakaiba ang kaniyang estudyante na itinago sa pangalang "Rick."
Nang tingnan ng guro kung ano ang pinagkakaabalahan ni "Rick," doon na niya natuklasan ang baril na una niyang inakalang cellphone lang na nakablot.
Para hindi umano matakot ang ibang estudyante, pasimple niyang kinuha ang baril ang inayang lumabas si "Rick" papunta sa principal's office.
"Nilagay ko po sa bag ko, kasi ayaw kong makita ng mga bata din. Tapos kinausap ko 'yung bata na i-report natin ito dahil kapag nakapatay ka, mas mabigat ang problema mo," paliwanag ni Cabalbal sa estudyante.
Pumayag naman umano ang mag-aaral at ipinaliwanag nito na pinilit lang daw siya ng isang kakilala na hawakan ang baril.
"Sa sobrang kaba ko po, hindi ko na namalayan na nalagay ko pala sa bag ko. Sa umaga, hindi ko na rin tiningnan 'yung bag ko kung ano ang laman," ayon kay "Rick."
Nasa kostudiya na ng pulis ang paltik na kalibre .38 na baril, at kargado ng limang bala.
"'Pag baril na, kahit anong nakakamatay na bagay o gamit, delikado sa loob ng paaralan, especially karamihan doon sa school ay mga minor," pahayag ni Inspector Dexter Tayaba, Deputy Chief of Police ng Burgos, Pangasinan.
Iniimbestigahan kung sino ang tunay na may-ari ng baril habang nananatili sa himpilan ng pulisya si "Rick" dahil wala umanong pasilidad sa ngayon ang kanilang local social welfare office. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
