Mas matinding inspeksyon ang isinasagawa ngayon ng mga guwardiya sa mga bisita ng mga nakakulong sa Mandaue City Jail.

Ito ay matapos maaresto noong nakalipas na linggo ang dalawang matandang babae na nagtangkang magpasok ng shabu sa kulungan.

Ayon kay Superintendent Renante Rubio, warden ng Mandaue City Jail, nadiskubre sa inspeksyon ang nakabalot sa condom na shabu na ipinasok sa mga ari ng dalawang matandang babae na hindi na pinangalanan ng mga awtoridad.

Aniya, sinabi ng dalawang matandang babae na binayaran sila ng tig-P1,000 para ipuslit ang droga.

Sinabi ng warden na dahil sa patuloy na tangkang pagpupuslit ng mga kontrabando sa kulungan, ang mga bisita na kabilang sa kanilang "watchlist" ay inoobliga nilang magpa-strip search.

"Before we do let them sign a waiver that they should be strip searched. If they don't want to sign the waiver, they are not allowed to get inside," ani Rubio.

Idinahilan ni Rubio na kung hindi nila ito gagawin ay tiyak na patuloy na makakapasok ang mga kontrabando sa kulungan.

Sinabi niya na may isang pagkakataon din na may isang bisitang babae ang nagtangkang magpasok ng dalawang cellphone na nakatago rin sa ari.

"If we are not going to inspect their private parts, wala tayong mahuhuli," anang warden. —ulat ni Jun Veneracion/ALG/KVD, GMA News