Isang mag-asawa na inireklamo ng panloloko ang nasampolan ng "walk of shame" sa Tanauan, Batangas. Pinaglakad ang dalawa sa palengke at kalapit na lugar habang may nakasabit na karatula sa leeg na may nakasulat na "scammer" at "manloloko."
Sa report ni Mav Gonzales sa "Unang Balita" ng GMA News nitong Biyernes, nakaharap ng mag-asawang Ariane at Eric Dalisay ang kanilang mga nabiktima umano matapos ang ilang araw na paghahanap sa kanila.
Inaakusahan ang mag-asawa ng panlilinlang sa halagang P200 milyon.
Sa harap ni Tanauan City Mayor Antonio Halili, mangiyak-ngiyak si Ariane habang kinukompronta ng mga galit nilang biktima na nais na mabawi ang kanilang pera.
Ngunit depensa ni Ariane, nabiktima rin daw sila kaya wala na sa kanila ang pera.
Pinagbigyan ng alkalde ang hiling ng mga biktima na iparada ang inirereklamo nilang mag-asawa.
Dati nang pinuna ng Commission on Human Rights ang mga walk of shame ng Tanauan City, at ilang sa mga pinarada ang nagsampa na ng reklamo sa ahensiya.
Ngunit depensa ni Mayor Halili, ginagawa niya ito para mabigyan ng impormasyon ang publiko at hindi lang para ipahiya ang mga nasasangkot sa iligal na gawain.
"Yung walk of shame, hindi naman talaga 'yon ang primary objective natin. Ang gusto natin ay public information. Because some people have the right to know na sila 'yung dapat na iwasan," anang alkalde.-- Jamil Santos/FRJ/KVD, GMA News
