Dalawang trabahador sa poultry farm sa San Luis, Pampanga ang nakitaan ng sintomas ng trangkaso na kapareho umano ng sintomas ng bird flu.
Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing 20 ang sumailalim sa preliminary interview na isinagawa ng Department of Health (DOH), at natuklasang nilalagnat ang isa, samantalang inuubo naman ang isa pa.
Ayon sa ulat, hindi muna tinukoy ng DOH ang ospital kung saan naka-confine ang dalawa at nakahiwalay sa ibang pasyente. Gayunman, nilinaw din ng mga opisyal na puwedeng mga sintomas din lang ng pangkaraniwang trangkaso ang kanilang nararamdaman.
"Dahil may sintomas po sila, sila ngayon ay matatawag na suspect cases. Hindi pa tayo sigurado kung ito ay bird flu kasi season din ngayon ng influenza," pahayag ni Dr. Eric Tayag ng DOH.
Inaasahan na malalaman ang resulta sa pagsusuri sa dalawa sa Miyerkules.
Sinabi rin ng DOH wala pang napatunayang animal to human transmission ng bird flu sa bansa.
Nagbigay ng payo ang DOH na kilatisin muna ang biniling manok at hanapin ang certificate ng National Meat Inspection Service.
Sa pagluluto naman, nagpayo ang DOH na huwag kaagad iluto ang manok 'pag inilabas mula sa freezer. Makabubuti umanong hayaan muna na maalis ang pagkakayelo ng karne.
Hindi umano makabubuti kung pabalik-balik sa freezer ang karne dahil mas nakokontamina ito.
"Hindi siya nagta-thrive sa dead meat. Kasi the virus thrives duon sa living organism. So kung 'yung chicken man, na-contaminate, once na hugasan mo siya, na-cook mo siya nang maayos, then the virus will be destroyed already," saad ni Luz Tagunicar, National Program Manager for Nutrition ng DOH.
Babala pa ng DOH, mas dapat na bantayan ang pagluluto ng grilled o inihaw na manok dahil mas matagal itong maluto hanggang loob.
Sinabi ng ahensya na dapat na lutong-luto ang karne ng manok at walang mamula-mulang parte.
Payo ng ahensiya tungkol sa fried chicken, dapat na tiyaking hindi sobrang init ng mantika para maluto ang loob nito nang hindi nasusunog ang labas.
Ipinayo ng Department of Trade and Industry at Department of Agriculture sa mga mamimili na huwag matakot na bumili ng manok, basta't mayroon itong certificate mula sa National Meat Inspection Service.
Nitong Martes, kumain ng mga manok at itlog ang ilang opisyal sa pangunguna ni Agriculture Sec. Emmanuel Piñol para pawiin ang pangamba ng publiko sa pagkain ng produkto sa harap ng bird flu outbreak sa isang bayan sa Pampanga. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
