Nakaligtas man sa bakbakan sa Marawi, nasawi naman sa kamay ng mga pulis ang isang sundalo sa Zamboanga del Sur matapos na mabaril habang naghihintay ng kaniyang masasakyan pauwi.
Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, kinilala ang nasawing sundalo na si Corporal Rodilo Torres Bartolome, na kakauwi lang umano matapos madestino sa Marawi City.
Napatay ng mga pulis si Bartolome habang naghihintay ng masasakyan sa Aurora, Zamboanga del Sur.
Batay sa paunang imbestigasyon, dalawang pulis ang dumating sa lugar na kinaroroonan ng biktima matapos makatanggap daw ng sumbong na mayroong isang lalaking miyembro ng gun-for-hire sa lugar.
Paliwanag ng mga pulis, hindi pa raw sila nakakababa ay nakita nilang may binubunot na si Bartolome kaya nila ito binaril.
Huli na nang malaman nila na sundalo pala ang kanilang napatay.
Nakasibilyang kasuotan at nakatsinelas si Bartolome nang mapatay.
Patuloy na iniimbestigahan ang insidente habang plano naman ng mga pulis na kausapin ang pamilya ng biktima para sila na ang sasagot sa gastusin nito. -- FRJ/KVD, GMA News
