Patay ang isang konsehal at kaniyang 15-anyos na anak na lalaki nang pagbabarilin sila ng dalawang salarin sa harap ng kanilang bahay sa Barangay Tabinay sa Puerto Galera, Oriental Mindoro nitong Martes ng hapon.

Kinilala ni Senior Superintendent Chris Birung, Mindoro Oriental provincial director, ang mga biktima na sina Puerto Galera councilor Melchor Arago, 52, at anak niyang si Kenneth.

Nangyari ang insidente dakong 3:30 p.m.

Ayon sa ilang nakasaksi, nasa loob ng kaniyang sasakyan ang nakatatandang Arago na nakaparada sa harapan ng kanilang bahay nang tumigil ang mga salarin na nakasakay sa motorsiklo ang pinagbabaril ang konsehal.

Lumabas naman mula sa bahay ang batang Arago ay pati siya pinagbabaril din ng mga salarin.

Patuloy umano ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang motibo sa krimen at matukoy ang mga salarin, ayon kay Birung. — FRJ, GMA News