Patay ang isang sundalo na kauuwi lang sa kaniyang bayan sa Pagadian City mula sa pagkakadestino sa Marawi matapos siyang pagbabarilin ng salaring nakamotorsiklo.


Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Martes,  sinabing binaril ng nakatakas na salarin ang biktimang si Corporal Rhofel Lihay-lihay ng Philippine Army, habang naglalaro sa isang bilyaran.

Ayon sa asawa ng biktima, isang linggo pa lang mula nang makauwi ang mister para sa bakasyon at nakatakdang bumalik pa sa Marawi.

Wala naman daw alam ang asawa kung may banta sa buhay ng biktima.

Ilang basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril ang nakita sa pinangyarin ng krimen.

Blangko pa ang pulisya sa motibo ng pamamaril at pagkakakilanlan ng mga salarin. -- FRJ, GMA News