Nakunan ng video ang suntukan, tulakan at habulan ng nasa 40 na kabataan sa harap ng isang paaralan sa Dolores, Quezon.
Ayon sa mga awtoridad, hindi ito ang unang beses na nangyari ang rambulan ng mga kabataan sa lugar.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa 24 Oras nitong Sabado, nangyari ang insidente sa harap ng Dagatan National High School.
Ayon sa mga awtoridad, ilan sa mga sangkot sa rambulan ay mismong estuyante ng naturang paaralan.
Makikita sa video na nahubaran na ng pang-itaas na damit ang isa sa mga kinuyog na binatilyo.
Ilang saglit pa, bumaba ang tensyon ng away sa isang gilid, ngunit hindi nagpaawat ang mga kabataan at humabol pa ang iba sa kabilang bahagi ng kalsada.
Tumigil sila nang sitahin ng ilang dumaang lalaking nakamotorsiklo. Ngunit hindi pa nakakaalis ang mga nanitang nakatatanda, muling sumiklab ang rambulan.
Madalas ang rambulan sa harap ng paaralan, ayon sa security guard na si Cristobal Lat.
"Madalas po, madalas. Solo po ako eh, sa dami po ng mga outsider hindi ko po kaya mag-isa," ayon kay Lat.
Nag-ugat ang rambulan nang dahil umano sa wallet.
"May nagpatak na wallet, ang binabalikan nila, 'yung nakapulot ng wallet na naka-video. Ayaw yatang ibigay diumano," sabi ni Judy Inocencio, chairperson, Barangay Dagatan.
Sinabi ng pamunuan ng paaralan na hihigpitan na nila ang seguridad at paiimbestigahan ang mga sangkot na mag-aaral.
"Pinapatawag po ang mga magulang ng mga estudyante na sangkot then afterwards po, du'n namin binibigyan ng mga sanctions kung ano po 'yung karapat-dapat after rigid investigations sa mga nangyari," sabi ni Bobby Tolentino, Faculty President, Dagatan National High School.
"Ako po ay magtatanong sa mga pulis kung puwedeng humingi ng ayuda sa kanila, kasi ang tanod namin, hindi nila ina-ano 'yung tanod, sa harapan ng tanod sir, nag-aawayan kahit babae," sabi pa ni Inocencio. —Jamil Santos/ALG, GMA News
