Isang 15-anyos na babae na sinasabing mentally challenged ang hinalay umano ng 12 lalaki sa Vigan City, Ilocos Sur. Ang apat sa mga suspek, mga menor de edad.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing 11 sa mga suspek ang naaresto na.

Tatlo naman sa kanila ang kasama sa top 10 most wanted ng lungsod.

Ayon sa biktima, nangyari ang unang panggagahasa sa kaniya noong 2015. Muli raw itong naulit noong Agosto 2017.

"Binigyan niya ako ng pera, 'yung kaibigan nila. Pag-uwi ko parang iba na 'yun tingin ko na sila," kuwento ng biktima, na nagsabing may ipinainom sa kaniya na tila alak.

Isa lang sa mga naaresto ang nagpaunlak ng panayam at itinanggi nito ang paratang laban sa kaniya.

Pinayuhan naman ng pulisya ang nakalalaya pang suspek na si Michael Pacayo Supnet na sumuko na lang at harapin ang kaso.

Naaresto raw ang 11 suspek matapos magturo ang mga kasamang akusado.

Desidido naman ang lola ng biktima na ituloy ang demanda laban sa mga suspek.

"Ang isang magulang na makikipag-areglo kinukunsinti lamang ang kanilang ginawang masama. Sinira kasi nila ang kinabukasan niya kahit ganiyang lang siya," anang ina.

"Sana mabulok na sila sa kulungan. bayarin na nila 'yung ginawa niya, ginawa sa akin," sabi ng biktima.-- FRJ, GMA News