Hindi lang sa kagat naisasalin ang rabies ng aso. Sa Dumingag, Zamboanga del Sur, inoobserbahan ang 12 katao matapos silang magpositibo sa rabies dahil sa pagkain ng karne ng aso.  Ang naturang aso, pinatay matapos kagatin ang kaniyang amo.

Sa ulat ng GMA News "QRT" nitong Martes, sinabi ng Department of Health-Region IX, pinatay ng lalaki ang kaniyang aso dahil sa galit bunga ng ginawang pagkagat sa kaniya.

Niluto nito ang karne ng aso at ibinahagi sa mga kaanak at kaibigan na nagpositibo sa rabies.

Sa kasamaang-palad, pumanaw ang naturang amo ng aso makaraang ng 15 araw matapos siyang makagat ng alaga.

Sa ngayon, maayos naman umano ang kalagayan ng 12 tao na nasalinan ng rabies matapos silang mabigyan ng gamot pero kailangan silang patuloy na obserbahan. --FRJ, GMA News