Binaril ang isang 12-anyos na lalaki dahil umano sa pagnanakaw ng itlog ng pato sa Zamboanga del Sur.
Nangyari ang pamamaril sa bayan ng Tigbao nang makita umano ng may-ari na ninanakaw ng bata ang mga itlog sa kulungan ng kaniyang alagang pato.
Kinilala ang namaril na si Junrey Banay, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes.
Tinamaan sa braso ang bata, at agad naman umanong isinugod ito sa pagamutan ng mga kapit-bahay.
Tinangka pa umanong tumakas ni Banay matapos ang pamamaril, ngunit agad siyang nahuli ng mga pulis sa isang followup operation.
Nahaharap sa kasong frustrated murder si Banay, ayon sa mga awtoridad. —Rie Takumi/LBG, GMA News
