Apat na bata ang nasawi sa pagkalunod sa Bulacan at Oriental Mindoro nitong nakaraang mga araw, ayon sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News "Balitanghali" nitong Biyernes.
Miyerkules nang umaga nang malunod sa Bitbit River sa Norzagaray, Bulacan sina Juneil Sayno, 13, at Ajummakim Atendido, 7. Nakaligtas naman ang dalawa pa nilang kasama.
Ayon kay Jennifer Ocampo, OIC ng Barangay San Lorenzo, tumataas daw ang tubig sa ilog tuwing umaga dahil sa tubig na nanggagaling sa Angat Dam na dahilan kaya tinangay ng agos ang mga biktima.
Maglalagay na umano sila ng bantay at babala sa lugar para hindi na maulit ang insidente.
Samantala, nalunod naman ang magpinsang Jasmine Magcamit, 6, at Jean Loriel Magcamit nang maligo sila sa ilog sa Pola, Oriental Mindoro. Nakaligtas naman ang isa nilang kasama.
Hindi raw alam ng mga magulang ng mga bata na maliligo sa ilog ang mga biktima.
Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa mga magulang laging bantayan ang kanilang mga anak. — FRJ, GMA News
