Matapos ang mainitang komprontasyon sa isang police station, nagpatutsadahan naman sina Camarines Sur Representatives L-Ray Villafuerte at Rolando Andaya Jr., nang makapanayam sa "Dobol B sa News TV" nitong Biyernes.
Sa magkakahiwalay na interview, nagpalitan ng akusasyon ang dalawang kongresista ng pananakit at pakikialam kaugnay sa mga lupain na sinasabing maapektuhan ng Naga International Airport expansion project, na hindi sakop ng kani-kanilang distrito.
Sinabi ni Villafuerte, kinatawan ng ikalawang distrito ng Camarines Sur, na legal ang ginawa nilang pagtambak ng lupa sa isang barangay sa Pili dahil mayroon nang court order para angkinin ng gobyerno ang lugar, na sinabi niyang tinitirhan ng mga illegal settler.
"Meron na pong court order, three years ago pa pong inumpisahan ito dahil inaayos 'yung mga lupa. Ang provincial government at ang Transportation Department ay may agreement na ayusin, i-fast-track ['yung project]," sabi ni Villafuerte.
"Ang ginagawa ng mga provincial government employees binabantayan ang lugar, may court order na po, na puwede na pong i-possess 'yan. So nagtambak po ang provincial government ng lupa do'n dahil aayusin ang kalsada dahil papasok na rin po 'yung mga heavy equipment," dagdag niya.
Sinabi ni Villafuerte na hindi hurisdiksiyon ni Andaya ang Pili, na kinatawan naman ng unang distrito.
Iginiit pa niya na sinaktan ng grupo ni Andaya ang kaniyang mga tauhan bago mangyari ang kanilang komprontasyon sa police station.
"Sa sobrang galit po niya, may sinapak siya, kinuwelyuhan na isang security ng probinsya pero hindi naman po lumaban. 'Yung isang babae, bini-video-han ang nangyari, nakita po niya 'yung video, hinila po niya 'yung babae at kinuha niya 'yung cellphone. Tapos meron pang isa, dalawang nagbi-video, kinumpiska niya, sinuntok, kinuha niya 'yung mga cellphone, 'yung mga radyo," saad ni Villafuerte.
Kakasuhan umano ng kampo ni Villafuerte si Andaya, ng grave threat, physical injuries and disbarment.
Pinabulaanan din niya ang mga sinabi ni Andaya na siya ang unang nagsimula ng gulo.
"Pasensya na po, mentally unstable po ang dating niya pero parang nag-drugs," sabi ni Villafuerte.
Handa namang harapin ng kampo ni Villafuerte ang anumang isasampang kaso laban sa kanila.
"Kung may mali sana ang provincial government, puwede naman silang sumulat, mag-file ng kaso. Hindi po 'yung ganu'ng marahas na paraan."
Gayunpaman, sinabi niya na karamihan ng mga residente sa lugar na apektado ng airport expansion ay mga illegal settler at naghihintay na lang ng relocation.
Paliwanag ni Andaya
Paglilinaw naman ni Andaya, personal body guard ni Villafuerte ang kaniyang hinamon na kakuhanan sa video at hindi mismo si Villafuerte.
"'Yung hinahamon ko pong tao at 'yung niyakap ko, alalay ho niya, ex-military po 'yon, personal body guard po niya 'yon at tinulak ho ako palabas ng police station," sabi ni Andaya.
"Nagsimula po 'yung usapan namin sa loob ng presinto, nalaman ko lang nasa labas na ako. Nahuhulog na ako sa hagdan kaya niyakap ko na siya," dagdag niya.
Giit din ni Andaya, hindi rin hurisdiksiyon ni Villafuerte ang Pili.
"Ang problema po kasi sa kaniya, nakalimutan niya congressman po siya ng ibang distrito. Ang asta po kasi niya, parang gobernador siya. Siya 'yung nagpapatakbo, hindi naman ho talaga 'yung nakaupong gobernador, siya naman talaga ang utak ng lahat na 'to," diin pa ng mambabatas.
Sinabi ni Andaya na inaabala ng mga tauhan ni Villafuerte ang mga magsasaka upang ibenta nila ang kanilang mga lupa para sa napakamurang halaga.
"P8 kada square meter. Saan ka naman nakakita po nu'n? Itong mga magsasaka, ang sinasaka po nila kalahating hektarya. Kung bibigyan ng P8 per square meter, ano na po ang kabuhayan po nila?," sabi nito.
Pinabulaanan din ni Andaya ang sinasabing court order ni Villafuerte, dahil mayroon pang hearing sa Mayo 2. Aniya, ang lupang inaangkin ng provincial government para sa airport expansion ay malayo na sa airport.
"Ang pinag-uusapan dito, 'yung negosyong potensyal ng lupa 'pag nandu'n na 'yung airport. Kaya itong mga pobreng magsasaka, 'yung ayaw ibenta ang kanilang lupa sa napakamurang presyo, tinambakan 'yung harapan ng bahay ng buhangin na wala nang makadaan," sabi ni Andaya.
Ang pagtambak daw ng lupa sa harapan ng mga residente ay isang pagpuwersa sa kanila na ibenta ang kanilang lupain.
"Kung may lehitimong proyekto po, bakit niyo naman ilalagay sa gitna ng daan? Puwede naman po sa gilid," sinabi ni Andaya habang pinapabulaanan din ang mga akusasyon na hinawakan niya ang isang environment officer sa leeg.
Sinabi pa ni Andaya na gagamitin lamang ang lupa para "commercial purposes" at hindi para sa expansion ng airport. Sinabi niya na dati nang nangyayari na binibili ng provincial government ang mga lupa ngunit ibebenta lamang sa private property.
"Lumang-lumang estilo na po 'yan dito, maraming beses na pong nangyari 'yan kaya aware na rin po 'yung mga tao sa ganiyang pangyayari," sabi ni Andaya.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
