Sampal ang inabot ng isang lalaki sa isang kagawad ng barangay matapos siyang maabutan ng may-ari ng bisikleta na tinangka raw nitong tangayin sa Malolos, Bulacan.

Sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, makikita sa CCTV na naglalakad ang suspek na lalaki na nakasuot ng gray na t-shirt, nang dumaan din ang isa pang lalaki na tila may inabot sa kaniya.

Maya-maya pa, sinakyan na ng suspek ang bisikleta na nakaparada sa harap ng printing shop at umalis.

Pero bago pa siya makalayo, lumabas ang may-ari ng bisikleta at pinigilan ang suspek.

Ibinigay naman ng suspek ang bisikleta sa may-ari pero isinama siya pabalik sa shop kung saan nag-aabang na ang barangay kagawad na si Larry Laracas.

Kinompronta ng kagawad ang suspek at saka sinampal.

Hindi na pumalag pa ang suspek na halos hindi makaimik.

Sa huli, pinakawalan din ang suspek at hindi na inireklamo ng may-ari ng bisikleta, ayon sa ulat.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News