Patay ang isang 17-anyos na lalaking kaka-graduate lang ng Junior High School matapos na barilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa loob ng isang internet shop sa Lapu-lapu City, Cebu.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing naglalaro umano ng computer game na DOTA si Buen Archie nitong Miyerkoles ng madaling araw nang barilin ng salarin sa dibdib na kaniyang ikinamatay.
Ayon sa ama ng biktima na si Mang Ricky, wala siyang alam na kaaway ang anak kaya hinala niya ay napagkamalan lang ito.
Idinagdag niya na hindi rin miyembro ng anumang gang ang kaniyang anak.
"Sabi niya wala nang pasok, maglalaro muna ako dahil kung may pasok na hindi na ako makakalabas. Sa parte ko, magaan lang dibdib ko dahil mabuti ang kaniyang hangarin para maaliw siya,' kuwento ng ama sa sinabi ng anak.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo sa krimen at naghahanap na rin ng CCTV na maaaring nakunan ang salarin para makilala.-- FRJ, GMA News
