Walang suot na damit pang-ibaba nang matagpuan ang bangkay ng 65 taong gulang na si Adelina Balacy ilang metro mula sa kaniyang bahay sa Sergio Osmeña, Sr., Zamboanga del Norte.

Hinala ng mga awtoridad, ginahasa muna bago pinatay ang biktima, ayon sa ulat ni Victoria Tulad sa Unang Hirit ngayong Huwebes.

Ang suspek sa karumal-dumal na krimen, sariling kaanak ni Lola Adelina.

Base sa report ng pulisya, tinangkang pagnakawan ng suspek na si Abraham Bonbon ang biktima na mag-isa lang na nakatira sa kanyang bahay, pero naaktuhan ng matanda ang suspek.

Para hindi na makapalag, hinampas umano ni Bonbon sa noo ang biktima. Nang mawalan ng malay ang matanda, doon na umano siya pinagsamantalahan ng lasing na suspek.

Matapos ang panghahalay, sinakal ni Bonbon ang matanda hanggang sa mapatay. Pagkatapos, itinapon ng suspek sa labas ng bahay ang bangkay.

Nasa bahay lang niya si Bonbon nang arestuhin ng mga pulis.

Reklamong murder at rape ang kakaharapin ng suspek na hindi nagbigay ng pahayag. —JST, GMA News