Patay ang isang lalaking kagagaling lang umano sa korte matapos siyang pagbabarilin ng mga salaring nakamotorsiklo sa Lapu-lapu City, Cebu. Ang biktima, pinagbabaril pa rin ng mga salarin kahit nakatumba na.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, makikita sa kuha ng closed-circuit-television camera ang biktimang si Jose Sabate na nakasakay sa motorsiklo at angkas ang kaniyang asawa.

Kagagaling lang umano ng biktima sa korte para dumalo sa korteng kinasasangkutan niya kaugnay ng iligal na droga.

Habang bumibiyahe si Sabate, makikita na ang ginawang pagbuntot sa kaniya ng mga salarin na nakasakay din sa motorsiklo at parehong naka-full-face helmet.

Ilang sandali pa, tinabihan na ng mga salarin ang mag-asawa at pinaputukan ang biktima na nagpapatakbo ng motorsiklo.

Nang tumumba ang motosiklo ng biktima, tumigil pa ang mga salarin at nilapitan si Sabate para barilin muli bago tumakas.

Nakaligtas naman ang misis ni Sabate.

Ayon sa asawa ni Sabate, nakulong noon ang kaniyang asawa sa kasong droga at nakalaya matapos magpiyansa.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya.--FRJ, GMA News