Pinahihigpitan ng lokal na pamahalaan ng Lapu-lapu City, Cebu ang pagbabantay sa mga nauusong "piso-net" o ang murang internet service sa mga computer shop dahil sa hinalang nagagamit ito ng mga kabataang nahuhumaling sa cyber pornography.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing binuo ng lokal na pamahalaan ang Task Force Malasakit para tutukan ang iba't ibang isyu na may epekto sa mga kabataan at kababaihan.
Kabilang dito ang mahigpit na pagpapatupad ng curfew at ang pagsugpo sa cyber pornography na mga kabataan ang karamihan sa nagiging biktima.
Iniutos ni Mayor Paz Radaza na mahigpit na bantayan ang mga negosyong may kinalaman sa internet dahil madali nakaka-access dito ang mga kabataan sa online porn sites.
"We will be requesting the Sangguniang Panglungsod on this dahil 'yan na ang rampant na hindi dapat on the piso-piso. Sana mawala na 'yan. I think may mga nakikita rin ditong mga bastos," sabi ng alkalde.
Sinabi naman ng Sangguniang Panglunsod na may ordinansa na kaugnay ng pagbabantay sa mga internet service sa lungsod pero dapat daw itong maamyendahan na.
Nakahanda naman ang pulisya na tumulong para ipatupad ang direktiba ng lokal na pamahalaan.-- FRJ, GMA News
