Nais ng mga magulang ng namatay na bagong silang na sanggol na imbestigahan ang isang ospital sa Porac, Pampanga kung saan na-confine ang bata at ginamitan ng ginupit na plastic bottle bilang oxygen supply. Paliwanag naman ng ospital, ginawa nila ang lahat para sagipin ang sanggol na nakakain umano ng dumi habang nasa sinapupunan ng ina.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News “Balitanghali” nitong Sabado, kinilala ang nasawing sanggol na si Clint Aerich Timbol, na ipinanganak noong Mayo 22 sa Jose Songco Lapid District Hospital, na isang level 1 hospital.

Kuwento ng mga magulang ng sanggol, sinabihan sila ng mga doktor na nakakain ng dumi si Clint habang nasa sinapupunan kaya kailangan lagyan ng oxygen.

Akala umano ng mga magulang, ilalagay ng ospital sa incubator ang kanilang anak, ngunit nagulat sila nang lagyan ito ng tinapyas na plastic bottle ng mineral water para magsilbing oxygen supply.

"Yung gamit nga po 'yung pinagputulan ng mineral water. 'Yun po yung ginamit sa kaniya na pang-oxygen nga po. Magdamag na nakalagay sa kaniya 'yon," sabi ni Cristina Manusig, lola ni baby Clint.

Sinabi umano sa kanila ng ospital na sira ang kanilang incubator kaya gumamit na lang sila ng improvised respirator hood.

"Kailangan na po palang ma-incubate 'yung apo ko, sana po nu'ng pagkalabas pa sinabi na po nila. Hindi na sila kailangan gumamit ng mga ganoong equipment, tapos, meron daw po silang incubator, pero sira po daw," dagdag ni Manusig.

Magdamag umanong ginamit sa bata ang ginupit na plastic bottle pero kinabukasan ay ipinayo na umano ng doctor na ilipat na ang sanggol sa ibang ospital.

Pero habang ibinibiyahe ay pumanaw na ang bata.

"Sana po imbestigahan po nila 'yung ospital doon sa mga pagkukulang para nga 'di na po mangyari sa ibang mga baby," sabi ni Ariel Timbol ama ni Clint.

Ayon sa pamunuan ng ospital, na-admit ang sanggol na may meconium aspiration pneumonia, na indikasyon na dumumi ang bata habang nasa sinapupunan ng ina at pumasok ang dumi sa baga ng bata.

Bukod sa kanilang paliwanag na maaaring namang gamitin ang empty mineral bottle bilang oxygen hood, binigyan din daw ng antibiotics ang bata at inobserbahan.

Ngunit tuluyang nahirapan sa paghinga si baby Clint.

Ginawa umano ng mga doktor ang kanilang makakaya para masagip ang bata at ang paggamit sa boteng plastic ay kaparehas din umano ang epekto ng orihinal.

Marami na rin umanong katulad na kaso ni baby Clint na gumaling naman sa ospital.

Tinitingnan na ng pamahalaang panlalawigan ng Pampanga ang insidente.

"If there is a negligence on the part of the hospital and concerned attending doctor and nurses, the Provincial Government will act accordingly," sabi ni Atty. Andres Pangilinan Jr., Pampanga Provincial administrator.

Ayon sa ulat, sinabi ni Department of Health Assistant Secretary Lyndon Lee Suy, na dapat suriin ang lahat ng detalye ng insidente. May mga pagkakataon daw kasi na gumagawa ng ibang paraan ang mga ospital kapag kulang sa gamit lalo na ang mga nasa probinsiya at liblib na lugar.

“Baka may limitasyon talaga sa kagamitan. Kailangang makita ang intensiyon nila bakit ginawa ‘yon,” anang opisyal. --Jamil Santos/FRJ, GMA News