Isa na namang pari ang patay sa pamamaril. Magsisimula pa lang ang misa nang paputukan ng salarin sa harap ng altar si Reverend Father Richmond Nilo sa San Antonio, Nueva Ecija.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan si Fr. Nilo, 43-anyos.
Ayon sa mga nagsimba sa Nuestra Señora Delos Nieves, napayuko na lang sila nang makarinig ng putok ng baril kaya walang nakakita sa mukha ng salarin.
Kaagad na tumakas ang salarin at naiwang nakahandusay at duguan sa sahig ang biktima.
Sa imbestigasyon ng pulisya, apat na basyo ng bala ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.
"This is a very sensitive issue we need more facts and evidence. Investigation will be conducted swift dapat saka full force," sabi ni C/Supt. Amador Corpuz, Director, PNP-Central Luzon.
Palaisipan pa ang motibo sa likod ng pagpatay kay Fr. Nilo pero hustisya ang hiling ng ilan niyang kasamahan.
"Humihingi po kami ng panalangin sa mga taong nakakakilala kay Father at sa lahat ng katoliko [na] pagdasal po natin si Father at ang lahat ng mga pari," panawagan ni Fr. Jetts Jetajobe.
Sa nakaraang anim na buwan, ilang insidente ng pamamaril sa mga pari ang nangyari.
Noong nakaraang linggo sa Calamba, Laguna, nakaligtas sa pamamaril si dating chaplain ng pulisya na si Rev. Fr. Rey Urmeneta.
Binaril at napatay naman noong Abril si Fr. Mark Ventura habang nagdaraos ng misa sa Gattaran, Cagayan.
Napatay din sa pamamaril noong Disyembre 2017 si Fr. Marcelito "Tito" Paez sa Jaen, Nueva Ecija.-- FRJ, GMA News