Naalarma ang ilang residente sa isang barangay sa Bulakan, Bulacan matapos ang ilang insidente ng pamamaril sa kanilang mga alagang aso. Pangamba nila, baka pati sila ay madamay sa tama ng ligaw na bala.
Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing duguan at wala nang buhay nang makita ng may-ari ang alaga niyang aso na si "Denver."
Ayon sa kuwento ng may-ari ng aso, isang putok ng baril ang kaniyang narinig bago makita ang alagang aso na tama ng bala sa tagiliran ng katawan.
"Nakarinig kami ng isang putok ng baril and kilala ko po ang boses ng aso ko. Butas po 'yung ganito niya na lumusot po dito, na tumatagas 'yung dugo niya," malungkot na sabi ng amo ni 'Denver" na isang dekada na raw nilang alaga.
Pero isang araw bago ang pamamaril kay "Denver," binaril din at namatay ang aso ng isa pang residente sa parehong barangay.
Ayon sa mga may-ari ng mga binaril na aso, may iba pang kaparehong insidenteng naganap sa lugar na ikinatatakot mga residente dahil baka pati sila ay tamaan ng bala.
Katunayan, sinabi ng isang buntis na muntik na siyang tamaan ng ligaw na bala.
"Naramdaman ko na lang po na tumama 'yung bala sa paa ko, then pagbukas ko ng ilaw nandun po sa tabi ng paa ko 'yung bala mainit pa po," ayon sa buntis.
Hindi pa natutukoy kung sino ang bumabaril sa mga aso.
Sinubukan ng GMA News na kunan ng pahayag ang kapitan ng barangay pero wala ito sa opisina at hindi rin sumasagot sa mga tawag.-- FRJ, GMA News
