Nahuli-cam ang pamamaril ng riding-in-tandem sa isang babaeng accountant ng isang ospital habang tumatawid sa kalsada sa Dumaguete City, Negros Oriental.
Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Miyerkoles, makikita sa kuha ng CCTV ang biktimang si Cristina Rubio na kababa lang sa tricycle at tatawid sa kabilang bahagi ng kalsada.
Pero habang tumatawid, dumating ang mga salarin na sakay ng motorsiklo at basta na lang binaril sa likuran ang biktima.
Pagbagsak sa gitna ng kalsada, muli siyang binaril ng salarin bago tuluyang tumakas.
Ang tricycle na sinakyan ng biktima ang nagdala rin sa kaniya sa pagamutan kung saan kritikal ang kaniyang kalagayan.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung sino ang mga suspek at ang motibo sa pamamaril. -- FRJ, GMA News
