Patay ang isa umanong tulak ng droga sa isang buy-bust operation sa San Pablo City, Laguna.
Sa ulat ni Vonne Aquino ng GMA News TV sa "Unang Balita" nitong Biyernes, agad umanong nagpaputok ng baril ang suspek na si Antonio Ligon kaya gumanti ng putok ang pulisya hanggang sa napatay siya.
Ayon sa mga awtoridad, kasama sa Amante Group ang suspek na pang-16 sa regional drug list.
"Itong target ng buy bust na 'to e number 16 sa region wide watch list on high-value target ... Ito ay kasama sa Amante Group," pahayag ni Chief Superintendent Edward Carranza, police regional director ng Calabarzon.
Dagdag pa ni Carranza, nakakabenta ang naturang grupo ng 100 hanggang 200 grams ng shabu kada linggo.
Nakuha sa pinangyarihan barilan ang isang baril, ilang pakete ng hinihinalang shabu, motorsiklo, at tricycle na ginagamit umano na pang-deliver ng mga droga. —Maia Tria/LBG, GMA News
