Dalawang security guard ang napatay sa isang madugong demolisyon sa Sitio Balacbacan, Brgy. Laiya-Playa, San Juan, Batangas.
Sa isang drone video na umere sa report ni Athenal Imperial sa "24 Oras" ngayong Lunes, kita ang isang walang malay na security guard na kinaladkad sa gitna ng kalsada matapos magsimula ang gulo. Kahit nakahandusay na, tinatadyakan at hinahampas pa rin ng mga lalaki ang guwardiya.
Nangyari ito matapos magkainitan ang grupong ipinadala ng may-ari ng lupa at ang mga umano'y informal settler.
Base sa spot report ng Philippine National Police, alas-otso ng umaga noong July 23, walong bus na may sakay na laborers at security guard ang dumating sa lugar)
Sinabi raw ng mga lalaki na naroon sila para paalisin ang mga residente sa lupang pagmamay-ari ni Federico Campos.
"Tinanong namin kung may dala pong order of demolition o kahit anong permit na nagsasabi na kami ay kailangang i-demolish dito. Ang sabi po nila, wala daw. Meron daw silang kopya nasa abogado daw nila. Sabi ko kung meron talagang demolition bakit hindi ninyo dala yung kopya," ani Elsie Lucero, spokesperson ng Haligi ng Batangenyong Anakdagat-Laiya.
Base pa rin sa spot report ng pulisya, sinubukan daw ng grupong gibain ang mga bahay kaya nagkagulo.
Natigil lang daw ang away nang pumagitna ang mga pulis para pag-usapin at ang dalawang panig.
Pero sa gitna raw ng pag-uusap, muling nagkagulo. Dito na nakunan ng drone video ang pananakit at pagkaladkad sa gwardyang si Estino HJ.
Dahil sa tinamong bugbog, namatay siya sa ospital.Namatay din ang isa pang security guard na kinilalang si Kennedy Ladia, habang sugatan naman ang dalawa pa nilang kasamahan.
Lahat sila, nagtamo ng sugat at laceration.
Ayon sa PNP Calabarzon, nahaharap ang mga salarin sa kasong homicide at physical injury.
"Itong nangyari kita niyo nakahiga na 'yung tao, pinagsisisipa pa, binubugbog pa. And kita naman natin kung sino ang may kasalanan eh. Kung sino ang mas barbaric ang ginawa. According sa imbestigasyon, 'yun ang fa-file-an natin ng kaso," ani P/CSupt, Edward Carranza, regional director ng Police Region IV-A.
Pero giit ng mga residente, ipinagtatanggol lang nila ang kanilang mga bahay na nakatayo sa lugar mula pa daw noong 2014.
Ayaw rin daw nilang lumipat sa relocation site dahil malayo ito sa kanilang kabuhayan.
Sa pahayag na ipinadala ni campos, sinabi niyang ang mga residente ay dati nang pinaalis ng sheriff sa beachfront ng kanilang lupa noong 2014.
Tinanggap daw ng ibang informal settler ang ang alok na relokasyon na wala pang isang kilometro ang layo.
Pero merong mga tumanggi, sa kabila ng kanilang pangungumbinse.
Lumipat daw sila malapit sa highway at noong isang buwan, sinabihan ng Department of Public Works and Highway na kailangan nilang lisanin ang lugar.
Itong mga ito daw ang nanira ng kanilang bakod at sapilitang pumasok sa kanilang property.
Nagtayo daw ng mga barong-barong at pinagmukhang matagal na sila doon kaya 'di raw kailangan ng court order para paalisin.
'Di raw armado ang mga guard na pinadala nila dahil layon lamang nilang ayusin ang sinirang bakod at sabihan ang mga residente na umalis sa lugar. —JST, GMA News
