Binawian ng buhay ang 25-anyos na buntis na si Joan Naron sa gilid ng kalsada sa Buhi, Camarines Sur.

Base sa imbestigasyon, lulan ng motorsiklo si Naron kasama ang dalawang iba pa.

Pagdating sa kurbada, nakasalpukan nila ang kasalubong na tricycle na minamaneho ni Joey San Andres.

Ayon sa ulat ni Cecille Villarosa sa Unang Hirit ngayong Martes, nagtamo si Naron ng matinding tama sa ulo. Pati ang mga kasama niya, sugatan.

Isinugod pa si Naron sa ospital pero namatay rin.

Ayon sa kapatid ni Naron, umalis daw sa eksena ang nakabanggang tricycle driver matapos ang insidente.

'Di rin nagtagal, sumuko sa pulisya si san andres, na wala pang pahayag.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulis, lumalabas na diumano'y lasing ang driver ng tricycle.

Patuloy ang imbestigasyon ng Buhi Police. —JST, GMA News