Natagpuan ang bangkay ng isang 21-anyos na promodizer sa ilog sa Dagupan City, Pangasinan. Ang biktima, walang saplot pang-ibaba kaya hinihinalang pinagsamantalahan din siya ng salarin.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Reysha Tolosa Vidal, na nakita ang bangkay na palutang-lutang sa Pantal river sa Dagupan City.

Dalawang mangingisda ang nag-report sa tactical operation center ng pulisya kaugnay sa nakita nilang bangkay ng babae.

"Hihintayin pa natin yung result ng autopsy," sabi ni P/Senior Inspector Enrique Collumbino,  Dagupan City Police Station. "Nagko-conduct pa kami ng follow-up investigation tungkol dito dahil nakapagtataka na walang saplot yung babae."

Ayon sa kaanak ni Vidal, basag umano ang mukha ng biktima.

May itinuturing nang person of interest ang pulisya pero hindi muna nila ito pinangalanan. -- FRJ, GMA News