Timbog ang isang tricycle driver na babae at dalawa pa niyang kasamahang babae sa Malolos, Bulacan dahil umano sa pagtutulak ng droga.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita," sinabing matagal nang minamanmanan ng mga pulis ang tricycle driver na si Joanna Trinidad, bago pa siya maaresto noong Huwebes.

Sa pag-aresto sa kaniya, nalamang kikitain din niya sina Clariz Ann Castro at April Amoranto.

"Sa cellphone niya may mga tumatawag 'Nasaan ka na?' Ganoon. 'O sige, i-text mo. Kunwari kayo pa rin,' Kumbaga hindi niya alam na nahuli. Kasi siyempre nandito sa Malolos, 'yung isa nasa Plaridel, so 'yun ang setup," pahayag ni Superintendent Heryl Bruno, Malolos Chief of Police.

Aabot sa P150,000 halaga ng pinaghihinalaang shabu ang nakuha mula sa mga suspek.

Umamin si Trinidad na gumagamit siya ng droga, ngunit tinanggi niyang binibenta niya ang mga ito. "Hindi po. Sa mga kaibigan ko po 'yan. Sa akin lang pinahawak po."

Paliwanag naman nina Castro at Amoranto, kailangan lang nila ng pera ngunit hindi nila alam na shabu na ang dinadala nila.

"Inutusan lang ako. May nag-utos lang sa akin na ibigay 'yun sa kaniya," sabi ni Castro.

Nang tanungin kung ilang beses nang may nag-utos kay Amoranto na maghatid ng droga, "Dalawang beses" ang kaniyang sagot. Kung alam ba niyang drugs ang dala niya, "Alam."

Palusot lang daw ito ng mga suspek, ayon sa pulisya.

"'Yan ang alibi nila. Sa ngayon kasi alam na nila ang diskarte paano i-deny at i-denounce ang pagkahuli," sabi pa ni Supt. Bruno.

Samantala, arestado rin ang tatlong lalaki sa isinagawang buy-bust operation sa 6th Avenue sa Barangay Socorro, Cubao, Quezon City.

Dinakip ang mga suspek na sina Joseph Santos alyas "Amo," Jaime Tuazon at Jovial Santos alyas "Bilay" bago mag 11 p.m. nitong Huwebes.

"Itinext po sa atin and then immediately nagsagawa po tayo ng validation through surveillance and sa pamamagitan ng ating operative together with our informant, validated po," ayon kay Supt. Giovanni Callao, Cubao Police Station Chief.

Narekober sa mga suspek ang siyam na pakete ng hinihinalang shabu at P500 buy-bust money. Umamin sila na gumagamit sila ng droga pero hindi inihayag kung saan nila ito kinukuha.

Haharapin nila ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —Jamil Santos/LBG, GMA News