Patay ang dalawang kilabot umanong sangkot sa ilegal na droga matapos na manlaban daw sa mga pulis na nagsagawa ng operasyon sa isang inn sa Matanao, Davao del Sur.

Sa ulat ni John Paul Seniel sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing isinagawa ng pulisya ang buy-bust operation noong Sabado ng gabi sa Brgy. Sinawilan laban kina Cris Jose Cabarraubias Eleazar alyas "Mokiam" at kasamahan niyang si Jan Ray Camuhig Patindol.

Nang matunugan umano ng mga suspek na pulis ang kanilang katransaksyon, nagpaputok umano ang mga ito. Gumanti naman ng putok ang mga pulis at napatay ang dalawa.

Isang pulis naman ang nasaktan matapos tamaan ng bala ang suot niyang bullet proof vest.

"Gusto sana naming maaresto kaya lang ganoon talaga, sa tingin namin, hindi papahuli nang buhay 'yung mga 'yun kaya't sinawing palad siyang mapatay during the police operation," ayon kay Police Chief Superintendent Marcelo Morales, Director PRO XI.

Ayon sa may-ari ng inn, hindi niya alam na miyembro ng Bagundang drug group ang mga suspek, na sinasabing nag-o-operate sa Cotabato City, at kasama sa narcolist ng PDEA Region 12.

"Ang grupong iyan talagang notorious, 'yun 'yung mga nagdi-distribute ng drugs galing sa Region XII,  dinadala dito sa region eleven," sabi pa ni Morales.

Dalawang baril, mga bala, at mga sachet ng pinaniniwalaang shabu at dahon ng marijuana ang nabawi mula sa mga suspek.

Samantala sa Davao City, dinakip din ang dalawa pang tulak daw ng ilegal na droga sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa Brgy. Anglionto Biyernes ng gabi.

Nakilala ang suspek na si Wilbur Roquero Villarlaza alyas Macao. Nabawi mula sa kaniya ang ilang sachet ng pinaniniwalaang shabu.

Naaresto naman si Getring Repange alyas Jetjet sa barangay Sasa na nabilhan din ng pinaniniwalaang shabu sa loob ng isang subdivision.

Hindi nagbigay ng pahayag ang mga suspek.

Haharapin ng dalawa ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News