Patay ang isang lalaking lasing umano matapos siyang magwala at maglabas ng patalim, ngunit inawat at nasaksak siya ng kaniyang kapatid sa Luna, Isabela.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Balitanghali" nitong Huwebes, kinilala ang nadakip na suspek na si Elvis Talan, na pinilit na agawin ang kutsilyo mula sa nagwawalang biktima.
"Itong suspek naman ay inaawat niya na para hindi siya magwala sa kanila. Kasi lasing 'yung biktima eh, naglabas ng patalim, knife 'yung biktima. Sa pag-agawan nila, natamaan 'yung biktima sa tiyan," ayon kay Police Inspector Virgilio Vallanca, deputy police chief ng Luna Police.
Dinala pa sa ospital ang biktima ngunit nasawi rin ito.
Sinampahan ang suspek ng reklamong pagpatay. Hindi na siya nagbigay pa ng pahayag. — Jamil Santos/MDM, GMA News
