Galit na galit ang ilang residente sa Tibungco, Davao City matapos umanong sabuyan ng hinihinalang asido o kumukulong tubig ang kanilang mga alagang aso. Ang pinaniniwalaan nilang may kagagawan ng pagmamaltrato sa mga hayop, ang kanilang kapitbahay.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, makikita ang pagkompronta ng dog owner na si Juliet Faciol sa kanilang kapitbahay dahil sa pagkalapnos ng balat ng alaga niyang aso.

"Siyempre emosyonal kami kasi mahal namin ang aming aso. Baby pa lang sila, gatas pinapainom namin diyan, tapos gaganyanin lang ng iba," hinanakit ni Faciol.

Ganito rin ang sinapit ng aso ni Joy Gallarde, na tagos hanggang buto ang sugat.
"Dapat panagutan ng gumawa nito ang kaniyang aksiyon. Bahagi na sila sa buhay mo na inaalagaan," aniya.

Ayon sa mga biktima, posibleng sinabuyan ng asido o kumukulong tubig ang kanilang mga alaga ng kanilang kapitbahay na si Rico Barba.

Sa lugar umano ni Barba madalas magpunta ang mga aso.

Gayunman, itinanggi ng suspek sa paratang.

"Bakit namin gagawin 'yun sa kanilang mga aso? May alaga rin kami. Sinasabi nila na dito daw naglalagi ang mga aso, totoo 'yan pero kasi mainit dito. Pero hindi naman dito lahat ng aso naglalagi, minsan nagpupunta sa baba," paliwanag niya.

Nagsampa na ng reklamo ang mga may-ari ng nasugatang aso laban kay Barba.

"Sasabihan ko mga constituents sa barangay na tayo mismo, kung sino naman 'yung gagawa ng krimen na ganito, dapat aksyonan natin para hindi na maulit," sabi ni Fe Doromal, purok chairman, Brgy. Tibungco.

Paglabag sa Republic Act 8485 o Animal Welfare Act ang animal cruelty, na may parusang isang buwan hanggang dalawang taong pagkakakulong. Mayroon ding P50,000 hanggang P100,000 multa.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News