Arestado ang isang 55-anyos na lalaki sa Bocaue, Bulacan matapos siyang ireklamo ng isang 8-anyos na babae nang pangmomolestiya. Ang suspek, kaibigan pa man din ng ama ng biktima at nakikitira lang sa bahay ng pamilya.
Sa ulat ni Cecille Villarosa sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing itinuring nang lolo ng biktima ang suspek na si Mario Bernabe na nakikitira sa kanilang bahay dahil kaibigan ito ng kaniyang ama.
Pero hindi inakala ng pamilya na ang magandang-loob na kanilang ipinakita ay susuklian ng suspek ng kasamaan matapos na mahuli ng kapitbahay na minomolestiya ang batang biktima.
"Noong ni-report po 'yun nakita po ng kapitbahay na hinawakan. Pero sa pag-iimbestiga po nalaman na tuwing wala ang mga magulang ng bata madalas pong ginagawa ng nasabing suspek [ang pangmomolestiya]," sabi ni Police Officer 1 Brilliant Reyes, Women's Desk, Bocaue Police.
Hindi naman itinanggi ng suspek ang krimen na nagagawa raw niya kapag lasing siya.
Inendorso na sa social welfare and development ang biktima para sa counseling, habang nakapiit na ang suspek.
Pinaalalahanan naman ng pulisya ang publiko na huwag ipagkatiwala ang mga bata sa ibang tao.--FRJ, GMA News
